UTANG NG BANSA SUSPENDIHIN, GAMITING AYUDA KONTRA COVID-19- SEN. IMEE MARCOS

Nanawagan ngayon si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na pansamantalang suspendihin ang pagbabayad sa mga utang ng bansa para magamit na dagdag pondo ng taongbayan at maging mga kumpanyang apektado ng lockdown dahil sa COVID-19.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang debt moratorium o pansamantalang paghinto sa pagbabayad ay maituturing na pangatlong hakbang na maaaring gawin ng Department of Finance, bukod pa sa budget realignments at international loans na una nang inanunsyo ng ahensya, para masustenahan ang social amelioration program ng gobyerno habang hindi pa tiyak kung hanggang kailan tatagal ang ipinatutupad na lockdown.

Sinabi ni Marcos, ang nakalaang pambayad sa interest ng mga utang ng bansa na kabilang sa General Appropriations Act of 2020 na aabot sa P451-Billion ay maaari aniyang gamiting cash aid ng gobyerno sa ilalim ng Bayanihan Heal As One Act.

Dagdag ni Marcos, ang off-budget payments na P582-billion ay paraan para mapaliit o mahati-hati ang pagbabayad sa orihinal na halaga ng utang na maaari namang magamit na cash aid.

Naniniwala rin si Marcos na mas marami pang ayudang pinansyal ang kakailanganin sakaling maramdaman na ang epekto ng pangbuong mundong pandemya, partikular sa mga lugar na pinalawig pa ang lockdown at nananatiling limitado ang operasyon ng mga negosyo at maging hanap-buhay ng mga tao.

Paliwanag pa ni Marcos, ang nasabing debt moratorium ay alinsunod din sa panawagan ng World Economic Forum na international cooperation sa pagresolba sa mga posibleng maging epekto ng COVID-19, kung saan maging ang pinakamayamang bansa, ang United States, ay walang magawa kontra sa epekto ng pangbuong mundong pandemya.

“Dapat bigyan ng palugit ang mga bansang mas maliit ang ekonomiya at mas mahina ang pamamaraan para sa pagpapagamot ng kanilang mamamayan, lalo na ang mga bansa sa Asya at Africa,” pahayag ni Marcos. (JM)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap