PRRD BUMUO NG TASK FORCE NA MAG-IIMBESTIGA SA MGA ANOMALYA SA PHILHEALTH

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng task force na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth), ayon sa Malacañang ngayong Biyernes, kasunod ng mga akusasyon laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensya.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na ang task force ay binubuo ng Department of Justice, Office of the Ombudsman, Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President, Civil Service Commission, Commission on Audit, at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

“Nakinig po ang ating Presidente at umakto bagama’t wala pa pong mapapatunayan sa mabilis na panahon, mayroon naman pong preventive suspension para mapangalagaan ang kaban ng PhilHealth,” pahayag ni Roque sa press briefing sa Palasyo.

Ang atas ng Pangulonay kalakip sa August 7 memorandum kay Justice Secretary Menardo Guevarra, na obligadong magsumite ng findings at rekomendasyon ng task force sa loob 30 araw pagkabuo nito.

“During the course of the investigation, if warranted, the panel may recommend to the President the imposition of preventive suspension on any PhilHealth official to ensure the unhampered conduct of the investigation,” saad sa memorandum.

Bukod sa preventive suspension, sinabi ni Roque na otorisado ang task force na magsagawa ng lifestyle check at magsampa ng kaso laban sa mga “kawatan” sa Philhealth.

Inuulan ng mga batikos ang state health insurer matapos ibunyag ng nagbitiw na anti-fraud officer na si Atty. Thorrsson Montes Keith na ilang opisyal ng Philhealth ang nakakulimbat ng P15 bilyong pondo ng ahensya sa pamamagitan ng iba’t ibang schemes.

Isiniwalat din nito na ilang kagamitan para sa IT department ng Philhealth ay overpriced ng ilang milyon.

Noong Martes ay inamin ni PhilHealth President Ricardo Morales sa mga senador na hindi sapat ang kanyang ginagawa upang maputol ang katiwalian sa ahensya. /lsr

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap