Para sa PCR testing for COVID-19… PNP-ASCOTF NAG-REQUEST SA DOH NA SANAYIN ANG KANILANG 15 PERSONNEL

CAMP CRAME –LUMIHAM si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration at commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) sa Department of Health (DOH) upang maisailalim sa pagsasanay ang kanilang mga tauhan para sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) testing para sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa liham ni Cascolan na may petsang Abril 20, 2020 kay Health Usec. Dr. Ma. Rosario Vergeire, na naka-attention kay Dr. Celia Carlos, Director IV, officer-in-charge sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), ang kahilingan ng pagsasailalim sa training ng kanilang 15 personnel ay pagtugon sa requirement para ma-certify ng DOH-RITM at ng World Health Organization (WHO) ang kanilang itinatayong PNP COVID-19 Testing Center sa kanilang PNP Crime Laboratory na nasa loob ng Camp Crame sa Quezon City.

Ang 15 personnel ay pawang pathologist at medical technologists.

Sinabi ni Cascolan, bilang bahagi ng kanyang tungkulin sa ASCOTF ay kaniyang hiniling kamakailan sa DOH-RITM-WHO na i-assess ang pasilidad ng Crime Lab para magamit bilang testing center para sa mga pulis na apektado ng coronavirus.

Noong Abril 14 ay nagtungo ang team ng DOH-RITM-WHO sa Camp Crame at siniyasat ang nasabing pasilidad.

Kabilang sa requirement ng health team ay renovation sa pasilidad upang makontrol ang flow of air para matiyak ang kaligtasan ng lab personnel at mapigilan ang contamination; bumili pa ng ibang lab equipment at proper training ng lab personnel.

Bahagi rin ng letter-request ni Cascolan sa DOH at RITM ang pagtiyak ng kanilang kooperasyon at pagsunod sa mga guideline ng health authorities.

Ang pagsisikap ng PNP na magkaroon ng sariling RT-PCR testing center ay upang maagapan ang kanilang personnel na apektado ng COVID-19.

Sa datos, umabot na sa 74 pulis na ang nahawahan ng COVID-19, habang 12 ang nakarekober, tatlo ang nasawi at nasa 723 ang suspect/probable case.

Magugunitang sa pinakahuling virtual presser ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa, umaasa ito na bago matapos ang buwan ay ma-certify na ng DOH-RITM-WHO ang kanilang isinusulong na PNP- COVID-19 Testing Center.

“Nag-i-exert na kami ng effort to establish our RT-PCR testing center, hopefully before the end of the month magkakaroon na ang kapulisan para mayroon kaming magamit para sa aming mga pulis,” ayon kay Gamboa.EUNICE C.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap