KASAMA NATIN LAGI ANG PANGULO – PALASYO; #NasaanAngPangulo, ibinasura ng Malacañang

TINAWAG ni Presidential spokesman Harry Roque na gimik lamang ng oposisyon ang pagde-demand sa presensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ng kalamidad.

Sinabi ni Roque na hindi na dapat pang pagkaabahalang isipin ng publiko kung ano ang ginagawa ng Pangulo habang nananalasa ang bagyong Ulysses dahil nagmo-monitor ito ng updates.

Aniya, gumamit si Pangulong Duterte ng teknolohiya para malaman ang sitwasyon nang hindi na ito kailangan pang gumala-gala.

“Hindi po dapat tanungin nasaan ang Pangulo. Iyan po ay kalokohan lang ng oposisyon.” sabi ni Roque.

“Ang Presidente po’y di nawawala. Palagi po natin siyang kapiling, palagi niya pong iniisip ang kapakanan ng ating mga kababayan.” dagdag pa nito.

Nag-trending sa Twitter kahapon, araw ng Huwebes, ang #NasaanAngPangulo, matapos manalasa ang bagyong Ulysses sa ilang bahagi ng Luzon na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira ng maraming ari-arian.

Sa kanyang mensahe sa publiko, kahapon, sinabi ni Pangulong Duterte na dumalo siya sa Association of Southeast Asean Nations’ (ASEAN) virtual forum. Tiniyak niya na handa ang pamahalaan na tumugon sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.

Pinangunahan din ng Pangulo ang aerial survey upang makita ng personal ang lawak ng pinsala ng bagyong Ulysses, kasabay ng paliwanag na gustuhin man niyang puntahan ang mga biktima ng kalamidad ay pinigilan siya ng kanyang mga aide. /lsr

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap