ILEGAL NA SABONG TODAS SA GAB AT QCPD-DSOU

SA pagtutulungan ng Games and Amusements Board (GAB) at QCPD-DSOU, apat katao ang nadakip dahil sa partisipasyon sa ilegal na sabong sa Purok 3, Area 5, Laura Street, Quezon City, mga bandang ala-una ng hapon, ngayong araw, Hulyo 22, 2020.

Ang operasyon ay bunsod ng inisyatibo ng GAB-Anti-illegal Gambling Unit (GAB-AIGU) sa pangunguna nina GAB Chairman Abraham Kahlil ‘Baham’ Mitra, Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, bilang pagsuporta ng naturang ahensya sa direktiba ng pamahalaang nasyunal sa pamumuno ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na ipagbawal ang lahat ng uri ng sugal kabilang na ang sabong o tupada sa kasagsagan ng pandemic na kung saan mahigpit na ipinapatupad ang physical distancing dahil ito ang sanhi ng madalas na pagkahawa.

Maliban dito, karamihan sa mga Pilipino ay apektado ang pinansyal na kalagayan at maraming nawalan ng trabaho. Malaking porsyento ng pondo ng gobyerno ay napupunta sa pagbibigay ng ayuda at kahandaang medikal ng bansa ngunit ito ay binabalewala ng karamihan kung kaya patuloy ang pagkalat ng impeksyon. Maraming industriya ang naapektuhan at maraming negosyo ang nagsara dahil sa mahigpit na quarantine bunsod ng patuloy na pananalasa ng COVID19.

Para sa GAB na syang ahensya ng pamahalaan na nagri-regulate sa pagsasagawa ng mga international derbies sa bansa gayundin bilang licensing agency sa mga Opisyal ng Sabong gaya ng mananari, sentenciador at manggagamot, ang mga ilegal na sabong o tupada ay may malaking negatibong epekto sa pagbubukas muli ng mga legal na sabong, na pinagkakakitaan ng maraming Pilipino. Ito rin diumano ay isang babala sa mga lisensyadong mananari, manggagamot at sentenciador na sila ay desididong tanggalan ng lisensya ng GAB dahil sa partisipasyon sa ilegal na sabong, kagaya ng mga nauna nang aksyon ng GAB.

Ang impormasyon hinggil sa iligal na sabong sa Laura Street, Quezon City nag -ugat sa pinaigting na monitoring activities ng GAB-AIGU na tinukoy ang mga pinagdadausan ng tupada sa kamaynilaan hanggang sa mga kalapit-probinsya. Ang GAB ay agad na nakipag-ugnayan sa QCPD-DSOU sa pamumuno ni PMAJ Manuel Dela Cruz para mapagtagumpayang masakote ang nasabing iligal na sabong.

Ang mga indibidwal na nadakip at mga ebidensyang nakumpiska ay kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD-DSOU. Ang mga nadakip ay sasailalim sa booking procedure para sa paghahanda ng isasampang kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap