GUIDELINES NG WHO SA PAGLILIMITA NG BIYAHE DAHIL SA BANTA NG BAGONG VIRUS, HINIHINTAY NG DOH

NAGHIHINTAY ang Pilipinas ng guidelines mula sa World Health Organization para sa posibleng paglilimita sa biyahe patungo at mula sa China upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na bagong virus.

Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na nangunguna sa agenda ng WHO sa kanilang emergency meeting ang bagong coronavirus na kumalat sa China at ikinasawi ng 17 katao at 500 pa ang tinamaan.

Sinabi ni Duque na kung magkakaroon ng travel restriction ay dapat manguna ang China at sila mismo ang pipigil sa kanilang mga mamamayan na lumabas ng bansa.

Tiniyak naman ng kalihim ang kanilang monitoring, patunay ang mga quarantine officers at thermal scanners na naka-deploy sa lahat ng pantalan at paliparan sa bansa upang ma-screen ang pasahero kung mayroon silang sintomas ng lagnat at trangkaso.

Una nang kinumpirma ng DOH na isang 5-taong gulang na lalaki mula Wuhan, China kung saan unang na-detect ang bagong virus, ang nagpositibo sa coronavirus, subalit hindi pa tukoy kung anong strain.

Ang bata na nasa Cebu City para mag-aral ng English ay hindi na nilalagnat subalit bahagya pa ring inuubo, ayon kay Duque.

Sa paliwanag ng WHO, ang coronaviruses ay malaking pamilya ng mga sakit mula sa simpleng sipon hanggang sa nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome (MERS-CoV) at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS). /lsr

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap