CEBU GOV PINAHINTO ANG MINING OPERATIONS SA PINAGKUKUNAN NG DOLOMITE NA GINAGAMIT SA MANILA BAY WHITE SAND PROJECT

IPINATIGIL ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang mining operations sa bayan ng Alcoy kung saan kinukuha ang dolomite o synthetic white sand para sa beutification ng Manila Bay.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 25, ipinag-utos ni Garcia sa Philippine Mining Service Corporation at sa Dolomite Mining Corporation na agad itigil ang paghuhukay, pagpo-proseso, pagbebenta at pagba-biyahe ng dolomite, associated mineral deposits, at iba pang quarry resources.

Nakasaad din sa EO na parehong hindi naabisuhan ang provincial government ng Cebu at munisipalidad ng Alcoy hinggil sa beutification project sa Maynila.

Wala rin umanong naganap na public consultation bago nag-isyu ng ore transport permits (OTP) ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa Central Visayas.

Nakalagay din sa executive order na walang isinagawang Environmental Impact Study sa paggamit ng dolomite sa Manila Bay shoreline project.

Umani ng mga pagpuna ang proyekto ng DENR nang ilunsad ito noong nakaraang linggo, kung saan hinimok ng ilang senador ang kagarawan na suspindihin ito habang iginiit ng environmental groups na nilabag nito ang ilang batas.

Una nang nagbabala ang Department of Health na maaring magdulot ng respiratory issues ang dinurog na dolomite. Subalit nilinaw nito kalaunan na ang proseso ng pagdurog ng dolomite ang nakasasama sa kalusugan. /lsr

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap