BANGKAY NG CHINESE NATIONAL NA NAMATAY SA NCOV SA BANSA, HINDI PA NA-CREMATE; PUNERARYA, UMATRAS

IPINAGPALIBAN muli ang cremation sa labi ng Chinese national na namatay sa severe pneumonia dulot ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) matapos mag backout ang punerarya, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.

Sinabi ni Duque na nakalagay pa rin ang katawan ng nasawing dayuhan sa selyadong body bag.

Inamin ng kalihim na isa pa ito sa kanilang problema dahil ang pumayag na funeral parlor ay biglang umatras.

Una nang inanunsyo kahapon ni Duque na isang punerarya sa Araneta Avenue sa Quezon City ang pumayag na i-cremate ang bangkay.

Inamin ng kalihim na nagmamadali na sila sa paghahanap ng funeral parlor dahil lagpas na lagpas na sila sa nakatakdang panahon sa pagke-cremate ng pasyenteng nasawi sa nCoV.

Aniya, hinihintay pa niya ang report makakakuha sila ng pahintulot sa public cemetery.

Noong Sabado ay isang 44-anyos na lalaking Chinese ang binawian ng buhay sa bansa dulot ng nCoV na kauna-unahang fatality sa labas ng China. /lsr

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap