Good News: COVID-19 TESTING CENTER NG PNP APRUBADO NA NG RITM-DOH

APRUBADO na ng Research Institute for Tropical Medicine-Department of Health (RITM-DOH) ang isinulong ng Philippine National Police (PNP) na COVID-19 Testing Center –RT-PCR (Reverse Transcription –Polymerase Chain Reaction).

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang commander ng Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) natanggap na nila ang certification na pinadala ng RITM-DOH na may petsang Mayo 13, 2020.

Ito ay nang makatugon sila sa requirement na ang 15 personnel ng PNP Crime Laboratory ang makapagsanay bilang operator ng RT-PCR.

Sa nasabing sertipikasyon na pirmado ni Dr. Nestor F. Santiago, MD, MPHC, MHSA, CESO III, COVID-19 Lab Operations Team Lead ng RITM-DOH, nakasaad na ang Molecular Laboratory na PNP Crime Laboratory COVID-19 RT-PCR Testing Facility ay maaaring gumanap bilang independent testing center for COVID-19 (SARS-CoV-2) by Realtime PCR.

Magugunitang unang hiniling ni Cascolan sa RITM-DOH na magkaroon sila ng RT-PCR Testing Center sa loob ng kanilang PNP Crime Lab upang ma-test ang kanilang mga tauhan na dinapuan ng coronavirus.

Abril 14 nang magtungo ang team mula sa RITM-DOH sa Camp Crame at siniyasat ang pasilidad katuwang ang kinatawan ng PNP Health Service kung saan ibinigay sa kanila ang mga requirement para magkaroon ng sariling COVID-19 Testing Center.

Noong Abril 20 ay lumiham si Cascolan sa DOH na naka-address kay Usec. Ma. Rosario Vergeire at naka-attention kay Dr. Celia C. Carlos, Director IV, officer-in-charge ng RITM para hilingin ang pagsasailalim sa pagsasanay ang 15 health personnel ng PNP na pinahintulutan naman noong Abril 27.

Ang mga health personnel ng PNP ay apat na araw nag-training sa V. Luna Hospital makaraang i-accommodate ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH).

Sa ngayon, sinabi ni Cascolan na hinihintay na lamang nila ang license to operate at tiniyak na handa na rin ang nasabing pasilidad para ma-test ang mga pulis na apektado ng coronavirus.

Paglilinaw naman ni Cascolan na hindi lamang ang mga pulis ang makikkinabang sa nasabing COVID-19 Testing Center dahil alinsunod sa direktiba ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa, bubuksan din ang pasilidad sa iba pang pasyente gaya ng mga sibilyan.EC

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share via
Copy link
Powered by Social Snap